Pilosopiya

Ginabayan ang pagkadisenyo at pagdebelop ng Moodle ng isang partikular na pilosopiya ng pag-aaral, isang paraan ng pag-iisip na tinatawag na "social constructionist pedagogy". (Marahil ay iniisip na kaagad ng ilang siyentipikong nagbabasa na walang kuwentang termino lamang ito sa edukasyon, at inaabot na ninyo ang mouse ninyo para lumipat ng babasahin, pero pakituloy lamang ang pagbasa - mahalaga ito sa bawat paksa!)

Tinatangkang ipaliwanag sa pahinang ito ang kahulugan ng parapong iyan sa simpleng pananalita, sa pamamagitan ng paglalatag ng apat na pangunahing konseptong nasa likod nito. Ang bawat isa nito ay lumalagom sa isang pananaw ng napakaraming magkakaibang pananaliksik, kaya't maaaring mababaw ang mga depinisyong ito kung may mga nabasa na kayo sa mga bagay na ito.

Kung bago ang mga konseptong ito sa iyo, posibleng mahihirapan kayong maunawaan ang mga ideyang ito sa simula - ang maipapayo ko lamang ay basahin ninyo itong mabuti, habang inaaalala ang mga karanasan ninyo sa pag-aaral ng isang bagay.

1. Constructivism

Sa pananaw na ito, pinaniniwalaan na aktibong lumilikha ng bagong kaalaman ang mga tao habang nakikipag-ugnayan sila sa kanilang kapaligiran.

Ihinahambing ang lahat ng mabasa, makita, marinig, maramdaman, at madama mo sa dati mo nang alam, at kung makabuluhan ito sa iyong pangkaisipang daigdig (diwa?), ay maaaring bumuo ng bagong kaalaman sa iyong kaisipan. Mapapatatag (ang katotohanan o ang paniniwala mo?) ang kaalaman kung matagumpay mo itong magagamit sa mas malawak mong kapaligiran. Hindi ka lamang bangko ng mga alaala na pasibong sumisipsip ng impormasyon, at hindi rin "naipapasa" ang kaalaman sa iyo sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng isang bagay o pakikinig sa isang tao.

Hindi naman sinasabi na wala kang matututunan sa pagbabasa ng isang web page o pakikinig sa isang lektura, siyempre mayroon, binibigyang diin lamang nito na mas marami pang nangyayaring pagpapakahulugan kaysa sa simpleng pagsasalin ng impormasyon mula sa isang utak papunta sa isa pa.

2. Constructionism

Sinasabi sa constructionism na ang pag-aaral ay epektibo kapag lumilikha ka ng isang bagay para maranasan ng iba. Maari itong maging kahit ano, halimbawa ay binigkas na pangungusap o post sa internet, o lalo pang masalimuot na artifact ay painting, bahay kaya o maging isang software package.

Halimbawa, kahit basahin mo nang ilang beses ang pahinang ito ay maaari mo rin itong makalimutan bukas - pero kung ipaliwanag mo ang mga ideyang ito sa isa pang tao sa sarili mong mga salita, o lumikha ng isang slideshow na magpapaliwanag sa mga konseptong ito, matitiyak ko sa iyo na magkakaroon ka ng mas malalim na pag-unawa, alalaong baga'y mas naka-ugnay sa mga sarili mong ideya. Ito ang dahilan kung bakit nagtatala ang mga tao sa mga lektura, kahit hindi naman nila babasahing muli ang mga tala .

3. Social Constructivism

Pinalalawig nito ang mga ideya sa itaas sa isang panlipunang pangkat na lumilikha ng mga bagay para sa isa't-isa, tulong-tulong na lumilikha ng isang maliit na kultura ng mga pinagsasaluhang artifact na may pinagsasaluhang kahulugan. Kapag nakalubog ang isang tao sa ganitong kultura, palaging natututo ang taong iyon nang kung paano maging bahagi ng kulturang iyon, sa iba't-ibang antas.

Ang isang napakapayak na halimbawa ay isang bagay tulad ng isang tasa. Maaaring gamitin sa iba't-ibang bagay ang bagay na ito, pero ipinapahiwatig ng hugis nito ang isang "kaalaman" hinggil sa pagdadala ng mga likido. Ang isang mas masalimuot na halimbawa ay isang online na kurso - hindi lamang ang "hugis" ng mga software tool ang nagsasabi ng ilang bagay kung paano tatakbo ang mga online na kurso, kundi pati ang mga aktibidad at tekstong nilikha ng buong pangkat ay makakatulong na humubog sa asal ng isang tao sa loob ng pangkat na iyon.

4. Connected at Separate

Sinusuri ng ideyang ito nang mas malalim ang mga motibasyon ng mga indibidwal na kalahok sa isang diskusyon. Ang separate na asal ay kapag tinatangka ng isang tao na manatiling 'obhetibo' at 'factual', at mas makiling sa pagtatagol ng kanilang mga ideya sa pamamagitan ng lohika upang makakita ng mga butas sa mga ideya ng kanilang katunggali. Ang Connected na asal ay mas "emphatic" na dulog na tumatanggap sa pagkasuhetibo, tinatangkang makinig at magtanong upang maunawaan ang pananaw ng ibang tao. Ang Constructed na asal ay kapag ang isang tao ay sensitibo sa dalawang dulog at may kakayanang pumili ng alinman sa dalawa alinsunod sa kung alin ang naaangkop sa sitwasyon.

Sa pangkalahatan, ang pagkakaroon ng masiglang "connected" na asal sa isang komunidad ng pag-aaral ay isang makapangyarihang pampasigla sa pag-aaral, di lamang nito lalong pinagbubuklod ang mga tao kundi nagpapaunlad din ito ng mas malalim na pagre-reflect at muling pagsusuri ng mga kasalukuyan nilang paniniwala.


Kapag pinag-iisipan mo na ang mga isyung ito, makatutulong ito sa iyong magfocus sa mga karanasang mas makabubuti sa pag-aaral mula sa pananaw ng mag-aaral, sa halip na paglalathala at pagsusuri lamang ng mga impormasyon na inaakala mong kailangan nila. Makakatulong din ito sa iyong maunawaan kung paano ang bawat kalahok sa isang kurso ay maaaring maging guro at mag-aaral din. Maaaring magbago ang tungkulin mo bilang 'guro' mula sa pagiging 'balon ng kaalaman' sa pagiging taga-impluwensiya at modelo ng kultura ng klase, na nakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa isang paraang personal na tumutugon sa kanilang pangangailangan sa pag-aaral, at lakandiwa ng mga talakayan at aktibidad sa isang paraan na kolektibong gumagabay sa mga estudyante patungo sa layuning pang-edukasyon ng klase.

Siyempre pa, hindi ipinipilit ng Moodle ang ganitong estilo ng pag-aasal, sa halip ay sinasabi namin na ito ang pinakamagaling na gamit ng Moodle. Sa kinabukasan, kapag tumatag na ang teknikal na imprastraktura ng Moodle, magiging adhikain ang marami pang pagpapaunlad sa suportang panturo sa pagdebelop ng Moodle.


Dokumentasyon ng Moodle

Version: $Id$