Lisensiya ng Copyright para sa Moodle

Ang pangalang Moodle™ ay rehistradong trademark ng The Moodle Trust.
Kung binabalak ninyong gamitin ang pangalan para magpromote ng komersiyal na serbisyong Moodle,
kailangan ninyong humingi ng permiso mula sa Trust sa pamamagitan ng moodle.com helpdesk,
alinsunod sa normal na mga restriksiyon ng trademark. Walang restriksiyon
sa kung paano ninyo gagamitin ang pangalan sa iba pang konteksto.

Ang Moodle software ay Copyright ni © 1999 at patuloy, Martin Dougiamas.

Ang program na ito ay timawang program (free software); maaari mo itong ipamahaging muli at/o baguhin
alinsunod sa itinatadhana ng GNU General Public License na inilathala ng
Free Software Foundation; maging bersiyon 2 ng Lisensiya, o
(kung gusto ninyo) anumang mas bagong bersiyon.

Ipinamamahagi ang program na ito sa pag-asang magigi itong
kapakipakinabang, subali't WALA ITONG ANUMANG WARANTI, ni ang pahiwatig
ng waranti ng KAANGKUPAN NA MAIKALAKAL O KAANGKUPAN SA ISANG PARTIKULAR
NA GAMIT. Tingnan ang GNU General Public License para sa detalye
(inilakip sa ibaba).



	

HINDI OPISYAL NA TINAGALOG NA GNU GENERAL PUBLIC LICENSE VERSION 2

Burador 0.2

Paunawa

**This is an unofficial translation of the GNU General Public License into Tagalog, it was not published by the Free Software Foundation, and does not legally state the distribution terms for software that uses the GNU GPL--only the original English text of the GNU GPL does that. However, we hope that this translation will help Tagalog speakers understand the GNU GPL better.**

**Hindi opisyal ang tinagalog na GNU General Public License na ito. Hindi ito inilathala ng Free Software Foundation, at hindi nito itinatakda ang legal na mga tadhana sa pamamahagi ng kompyuter program na gumagamit ng GNU GPL-- tanging ang orihinal na ingles na GNU GPL ang makakagawa nito. Magkagayunman, inaasahan namin na makatutulong ito sa mga nagsasalita ng Tagalog na mas maunawaan ng mabuti ang GNU GPL.**

Kasaysayan
----------

burador 0.2 (bersiyong timawa)
Mayo 25, 2003 -Roel Cantada: Pinamagatang "Hindi Opisyal na Tinagalog na GNU General Public License". Inilagay ang ingles na paunawa ng pagiging hindi opisyal nito upang maisakatuparan ang panuntunan ng Free Software Foundation sa pagsasalin sa ibang wika ng dokumentong ito. Nagdagdag ng seksiyong Kasaysayan at Talababa.
burador 0.1 (bersiyong timawa)
Tinagalog ni Roel Cantada, Pebrero 23, 2003. Lahat ng pagkakamali sa pagsasatagalog ay sa nagsalin. Burador lamang ang bersiyong ito dahil marami pang kailangang linawin sa mga salitang ginamit bunga ng politika at ibang usapin sa wika.

Tinagalog na Teksto
-------------------

PANGMADLANG LISENSIYA NG GNU, Bersyon 2, Hunyo 1991

Karapatang-sipi (C) 1989, 1991 Free Software Foundation, Inc.
59 Temple Place, Suite 330, Boston MA 02111-1307 USA

Pinahihintulutan ang lahat na kopyahin at ipamahagi ang letra-por-letrang sipi ng kasulatang lisensiya na ito, ngunit ipinagbabawal ang pagbabago nito.

Panimula

Dinisenyo ang mga lisensiya para sa karamihang kompyuter-program na ipinagkakait ang inyong kalayaang ibahagi at baguhin ang mga program. Ang Pangmadlang Lisensiya ng GNU ay tumbalik nito. Nilalayon ng Pangmadlang Lisensiya na garantiyahan ang inyong kalayaan na ibahagi at baguhin ang timawang program ng kompyuter--tiyakin na ang program ay malaya para sa lahat ng tagagamit. Ipinatutupad ang Pangmadlang Lisensiyang ito sa karamihan ng kompyuter-program ng Free Software Foundation at alinmang ibang program na pinagpasiyahan ng mga may-akda na gamitan nito. (May ibang kompyuter-program ng Free Software Foundation na sakop naman ng Pangmadlang Lisensiya ng Aklatang GNU) Maaari ninyo ring gamitin ito sa inyong mga program.

Ang salitang *free software* sa ingles ay tumutukoy sa kalayaaan at di sa presyo o pagiging libre. (1) Dinisenyo ang aming mga Pangmadlang Lisensiya upang matiyak ang inyong kalayaan na makapagpamahagi ng mga sipi ng timawang kompyuter-program (at magpabayad sa serbisyo, kung nais ninyo), na tumanggap ng *source code* o makuha ito kung nais ninyo, na mabago ang program o magamit ang mga parte nito sa mga bagong timawang program, at malaman na magagawa ninyo ang mga bagay na ito.

Upang mapangalagaan ang inyong mga karapatan, kailangan naming pagbawalan ang sinuman na ipagkait ang mga karapatang ito sa inyo o hilingin kayong isuko ang mga karapatang ito.

Ang mga pagbabawal na ito ay katumbas ng ilang pananagutan ninyo kung mamamahagi kayo ng sipi ng kompyuter-program, o kung babaguhin ninyo ang program.

Halimbawa, kung mamamahagi kayo ng ganitong klase ng program, libre man o may bayad kailangan ninyong bigyan ang nakatanggap ng program ng lahat ng karapatang taglay ninyo. Dapat ninyong tiyakin, na makakatanggap o makakakuha rin sila ng *source code*. Dapat ninyo ring ipakita ang mga tadhanang ito sa kanila, upang malaman nila ang kanilang mga karapatan.

Pinoprotektahan namin ang inyong karapatan sa pamamagitan ng dalawang hakbang (1) isakarapatang-sipi ang kompyuter-program, at (2) ialok sa inyo ang lisensiyang ito na nagagawad sa inyo ng legal na pahintulot na kopyahin, ipamahagi at/o baguhin ang program.

Gayundin, nais naming tiyakin na mauunawaan ng madla na walang waranti ang timawang kompyuter-program na ito, para na rin sa proteksyon namin at bawat may-akda. Kung ang program ay binago ng iba at pagkatapos ay ipinamahagi, nais naming malaman ng tumanggap ng binagong program na ang kopya nila ay hindi orihinal, upang ang anumang problemang nalikha ng iba ay hindi matampol sa reputasyon ng orihinal na may-akda.

Panghuli, ang anumang timawang kompyuter-program ay palagiang nasa panganib ng mga patente sa kompyuter-program. Nais naming maiwasan ang panganib na idudulot ng pagkuha ng sariling lisensiyang patente ng bawat mamamahaging-muli ng mga timawang kompyuter-program, na magkukumberte sa program na maging pribadong pag-aari. Upang mahadlangan ang pangyayaring ito, niliwanag namin sa madla na ang anumang patente ay dapat na ipalisensiya para sa malayang gamit ng lahat, kung hindi rin lamang ay huwag nang ipalisensiya.

Sumusunod ang mga eksaktong tadhana at kondisyon sa pagkopya, pamamahagi at pagbabago.

PANGMADLANG LISENSIYA NG GNU

MGA TADHANA AT KONDISYON PARA SA PAGKOPYA, PAMAMAHAGI AT PAGBABAGO

0. Umiiral ang lisensiyang ito sa anumang program o iba pang likha na may paunawa na ipinaskil ng mayhawak ng karapatang-sipi na nagsasaad na maari itong ipamahagi sa sakop ng Pangmadlang Lisensiya. Tumutukoy ang salitang "Program", sa ibaba, sa anumang ganitong klaseng program o likha, at ang isang "likhang batay sa Program" ay nangangahulugan na alinman sa dalawa, ang Program o anumang likhang-batay-sa-orihinal alinsunod sa itinatadhana ng mga batas sa karapatang-sipi, alalaong baga'y isang likha na nakasanib ang Program o bahagi nito, ito man ay letra-por-letra o may pagbabago at/o isinalin sa ibang wika. Buhat dito, ang salitang pagsasalin ay kabilang na, nang walang limitasyon, sa terminong "pagbabago". Tinutukoy ng salitang "ikaw at/o kayo" ang lisensiyado.

Hindi sakop ng Lisensiyang ito ang mga gawaing liban sa pagkopya, pamamahagi, at pagbabago, ang iba pa ay nasa labas na ng saklaw nito. Walang hadlang sa pagpapatakbo ng Program, at sakop lamang ang produkto ng Program kung ang nilalaman nito ay likha na batay sa Program (na walang kaugnayan sa pagkakalikha ng produkto sa pamamagitan lamang ng pagpapatakbo ng Program (2)).

Nakasalalay ang katotohanan ng nasa itaas sa kung ano ang ginagawa ng Program.

1. Maari mong kopyahin at ipamahagi ang mga letra-por-letrang kopya ng *source code* ng Program na natanggap mo, sa anumang midyum, sa mga kondisyong inilalathala mo sa bawat kopya nang wasto at madaling makita ang wastong paunawa ng karapatang-sipi at tatwa ng waranti; kung pinapanatili mong buo ang lahat ng paunawa na tumutukoy sa LIsensiyang ito at sa kawalan ng anumang waranti, at kung kasama mong ibinibigay sa sinumang iba pang tatanggap ng Program ang kopya ng Lisensiyang ito.

Maari kang sumingil ng bayad para sa pisikal na gawaing pagkopya, at kung pipiliin mo, maaari kang mag-alok ng pangangalagang may waranti kapalit ng bayad.

2. Maaari mong baguhin ang kopya o mga kopya mo ng Program o alinmang bahagi nito, alalaong baga'y, gagawa ka ng isang likhang batay sa Program, at kopyahin, at ipamahagi ang mga pagbabago o likha alinsunod sa tinatadhana ng Seksiyon 1 sa itaas, sa kondisyong natutupad mo rin ang lahat nang sumusunod na kondisyon.

a) Dapat mong lagyan ng madaling makitang paunawa ang mga binagong *file* na nagsasaad na binago mo ang mga *file* at ang petsa ng anumang pagbabago.

u) Ang anumang ipamamahagi o ilalathala mong likha na sa kabuuan o bahagdan ay naglalaman o ibinatay sa Program o anumang bahagi nito ay dapat mong palisensiyahang buo sa ikatlong partido nang walang bayad ayon sa itinatadhana ng Lisensiyang ito.

e) Dapat mong lagyan ang binago mong Program ng paunAwa kapag pinatakbo para sa ordinaryong gamit, kung ito ay karaniwang bumabasa ng mga atas nang interaktib kapag pinatakbo na. Ang iiimprenta o ididisplay na paunawa ng Program ay dapat may wastong paunawa ng karapatang-sipi at babala na walang waranti (o kaya ay nagsasabi na magbibigay ka ng waranti) at na maaaring ipamahaging-muli ng mga tagagamit ang Program ayon sa mga kondisyong ito, at nagsasabi sa tagagamit kung paano makikita ang kopya ng Lisensiyang ito (Liban sa kung ang Program mismo ay interaktib subalit hindi karaniwang nag-iimprenta ng ganitong paunawa, sa ganitong kalagayan ang likha mong batay sa Program ay di na kinakailangang mag-imprenta ng nasabing paunawa).

Itinatakda ang mga kondisyong ito sa buong binagong likha. Ang Lisensiyang ito at mga kondisyon ay hindi lamang maitatakda sa mga bahagi ng binagong likha na matutukoy na hindi batay sa Program, at matwid na maituturing na nagsasarili at bukod na likha, kung ang nabanggit na bahagi ay ipamamahagi bilang hiwalay na likha. Subalit kung ipamamahagi mo ang mga bahaging nabanggit na parte ng kabuuan, ang pamamahagi ng buong likha ay dapat na ayon sa tinatadhana ng Lisensiyang ito, na ang pahintulot para sa iba pang nilisensiyahan ay sumasaklaw sa kabuuan, samakatuwid ay para sa bawat isa at bawat bahagi sinuman ang nagsulat nito.

Kaya hindi layon ng seksiyon na ito na agawin o hamunin ang mga karapatan mo sa isang likhang ikaw lamang ang nagsulat; sa halip, layon nitong maisakatuparan ang karapatang makontrol ang pamamahagi ng mga likhang-batay-sa-orihinal o kalipunan ng mga likha na batay sa Program.

Dagdag pa, ang pagsasama-sama lamang ng mga likha na hindi naman batay sa Program at ng Program (o mga likhang batay sa program) sa isang tomo ng isang midyum na pang-imbakan o pamahagian ay di nagsasakop ng ibang likha sa saklaw ng lisensiyang ito.

3. Maari mong kopyahin o ipamahagi ang Program (o anumang likhang batay dito, alinsunod sa Seksiyon 2) sa anyo ng *object code* o napapatakbo alinsunod sa itinatadhana ng mga Seksiyon 1 at 2 sa itaas, sa kondisyong tutupdin mo rin ang mga sumusunod:

a) Samahan ito ng kumpletong katumbas na *source code* na mababasa ng makina, na dapat ay ipamamahagi alinsunod sa itinatadhana ng mga Seksiyon 1 at 2 sa itaas, sa isang midyum na karaniwang ginagamit sa palitan ng kompyuter-program;o,

u) Samahan ito ng isang nakasulat na alok, na may-bisa nang di bababa sa tatlong taon. Ang alok ay magbibigay sa ikatlong partido ng kumpletong kopya ng katumbas na *source code* na nababasa ng makina, kapalit ng kabayarang di tataas sa halaga ng pisikal na pamamahagi alinsunod sa itinatadhana ng mga Seksiyon 1 at 2 sa itaaas sa isang midyum na karaniwang ginagamit sa palitan ng kompyuter-program;o,

e) Samahan ito ng impormasyong natanggap ninyo na nag-aalok na mamahagi ng katumbas na *source code*. (Ang alternatibong ito ay para lamang sa di-komersiyal na pamamahagi at tanging kung natanggap mo ang program sa anyong *object code* o napapatakbo na may kasama nang alok, alinsunod sa Subseksiyon *u* sa itaas.

Ang *source code* para sa isang likha ay tumutukoy sa katanggap-tanggap na anyo ng likha na ginagawan ng mga pagbabago. Para sa napapatakbong likha, ang kumpletong *source code* ay nangangahulugan na lahat ng *source code* ng lahat ng modyul na laman nito, dagdag pa ang anumang kaugnay na mga *file* ng depinisyon ng interpeys, at iskrip na kumukontrol sa kompilasyon at instalasyon ng pinatatakbo. Gayunman, bilang ispesyal na liban, ang *source code* na ipinamamahagi ay hindi na kailangang samahan ng anumang bagay na karaniwang ipinamamahagi (maging sa anyong *source* o pinatatakbo) kasama ng mayor na piyesa (kompayler, kernel atbp.) ng *operating system* na pinagpapatakbuhan ng pinatatakbong program, maliban na lamang kung ang piyesang iyon ay kasama na ng pinatatakbo.

Kung iniaalok ang pamamahagi ng pinatatakbo o *object code* sa pamamagitan ng pahintulot na makopya ito mula sa isang lugar, ang pag-aalok ng katumbas na pahintulot na makopya ang *source code* mula sa parehong lugar ay ituturing na pamamahagi ng *source code*, bagamat ang mga ikatlong partido ay di pinipilit na kopyahin ang *source* kasama ng *object*.

4. Hindi mo maaring kopyahin, baguhin, isublisensiya, o ipamahagi ang Program maliban sa hayagang itinatadhana ng Lisensiyang ito. Kung hindi, anumang pagtatangkang kopyahin, baguhin, isublisensiya o ipamahagi ang Program na ito ay walang bisa, at awtomatikong mag-aalis ng inyong mga karapatan ayon sa Lisensiyang ito. Gayunpaman, hindi mapapawalang-bisa ang lisensiya ng mga partidong nakatanggap ng mga kopya, o mga karapatan, mula sa iyo alinsunod sa Lisensiyang hanggat sila ay ganap na tumutupad sa mga kondisyon.

5. Hindi ka pinipilit na tanggapin ang Lisensiyang ito, dahil hindi mo naman ito pinirmahan. Gayunpaman, walang anumang naggagawad sa iyo ng pahintulot na baguhin at ipamahagi ang Program o mga likhang batay dito. Ang paggawa nito ay ipinagbabawal ng batas kung hindi mo tatanggapin ang Lisensiyang ito. Samakatuwid sa pamamagitan ng pagbago o pamamahagi mo ng Program (o anumang likha na batay sa Program) ipinapakita mo ang pagtanggap mo sa Lisensiyang ito, at sa lahat ng tadhana at kondisyon nito para sa pagkopya, pamamahagi at pagbabago ng Program o mga likhang batay dito.

6. Sa tuwing ipamamahagi mo ang Program (o anumang likha na batay sa Program, ang tumanggap ay awtomatikong tatanggap din ng lisensiya mula sa orihinal na nagbibigay lisensiya para kopyahin, ipamahagi o baguhin ang Program ayon sa mga tadhana at kondisyon. Hindi ka maaring magtakda ng dagdag na paghihigpit sa mga paggamit ng mga tumanggap ng mga karapatang iginawad sa kasulatang ito. Wala kang pananagutan na pasunurin ang mga ikatlong partido sa Lisensiyang ito.

7. Kung dahil sa hatol ng hukom o suplong ng pang-aagaw ng patente o anumang kadahilanan (hindi limitado lamang sa usaping patente), may mga kondisyong itinakda sa iyo (maging utos ng korte, kasunduan o iba pa) na sumasalungat sa mga kondiyon ng Lisensiyang ito, hindi mo magagamit itong dahilan para di tupdin ang mga kondisyon ng Lisensiyang ito. Kung hindi mo kayang mamahagi nang hindi nalalabag ang mga obligasyon mo alinsunod sa Lisensiya kasabay ang sa iba pang may-kaugnayang obligasyon, sa gayon, ang kahihinatnan ay hindi mo na maaring ipamahagi ang Program. Halimbawa, kung ang isang lisensiyang patente ay nagbabawal na ipamahaging muli nang walang royalti ang Program sa mga tatanggap ng kopya rekta o di-rekta mula sa iyo, wala ka nang magagawa kundi ang huwag mamahagi ng Program upang matupad mo ang kondisyong nabanggit at ang Lisensiyang ito.

Sa anumang partikular na kalagayan na nagbunga ng pagpapawalang bisa o kawalan ng kakayahang ipatupad ang anumang bahagi ng Seksiyong ito ang nalalabing Seksiyon ay ipatutupad at ang Seksiyon sa kabuuan ay ipatutupad sa iba pang kalagayan.

Hindi layunin ng Seksiyong ito na pilitin kang mang-agaw ng anumang patente o iba pang pag-angkin ng karapatan sa pag-aari, o hamunin ang bisa ng anumang ganitong pag-aangkin, ang tanging layon ng Seksiyong ito ay protektahan ang integridad ng sistema ng pamamahagi ng timawang kompyuter program, na ipinatutupad sa pamamagitang ng mga praktika ng pangmadlang lisensiya. Maraming tao ang mapagbigay na nagkaloob ng bahagi nila sa maraming klase ng kompyuter-program na ipinamamahagi sa pamamagitan ng sistemang ito, sa pagtitiwala na hindi pabagu-bago ang pagpapatupad ng sistema. Nasasa may-akda/nagkaloob na ang pasiya kung nais niyang mamahagi ng kompyuter-program sa pamamagitan ng ibang sistema at hindi maaring igiit ng nilisensiyahan ang gusto nilang sistema.

Ang seksiyon na ito ay nilalayong gawing lubos na maliwanag ang anumang pinaniniwalaang kahihinatnang mga pangyayari na ibubunga ng kabuuan ng Lisensiyang ito.

8. Kung may hadlang sa isang bansa sa pamamahagi at/o paggamit ng Program, ke sa pamamagitan ng patente o karapatang-sipi sa mga interpeys, maaring magdagdag ng hayag na limitasyong pangheograpiya sa pamamahagi ang orihinal na nagtataglay ng karapatang-sipi na siyang naglagay ng Program sa sakop ng Lisensiyang ito. Ang limitasyon ay magbabawal sa pamamahagi sa mga bansang iyon, maliban sa, o sa pagitan ng, mga bansang di pinagbabawalan. Sa ganitong kaso, idinadagdag sa Lisensiya ang limitasyong nabanggit na parang isinulat sa katawan ng Lisensiyang ito.

9. Maaring maglathala ang Free Software Foundation ng nirebisa at/o bagong bersyon ng Pangmadlang Lisensiyang ito sa panapanahon. Ang ganoong mga bagong bersyon ay magiging katulad sa diwa ng kasalukuyang bersyon, subalit naiiba sa detalye upang matugunan ang mga bagong suliranin at usapin.

Bawat bersyon ay may napagkakakilanlang bilang ng bersyon. Kung ang Program ay nagtatakda ng bilang ng bersyon ng Lisensiyang ito na ipinatutupad dito at "anumang susunod na bersyon (3)" (kung walang itinatakdang bilang ng bersyon ng lisensiya ang Program, maaari kayong mamili ng bersyon na inilathala ng Free Software Foundation), maari kayong mamili kung susundin ninyo ang mga tadhana at kondisyon ng bersiyong iyon o anumang susunod na bersyon na inilathala ng Free Software Foundation.

10. Kung gusto mong gumamit ng parte ng isang Program sa iba pang timawang program na ang mga kondisyon sa pamamahagi ay naiiba, sumulat ka sa may-akda upang makahingi ng pahintulot. Sumulat naman sa Free Software Foundation para sa mga kompyuter-program na may karapatang-sipi ng Free Software Foundation; minsan ay nagbibigay kami ng eksepsiyon. Ang aming pasiya ay papatnubayan ng dalawang layon, una ang pagpapanatili ng kairalang timawa ng lahat ng likhang batay sa aming timawang kompyuter program at pangalawa ang pagtataguyod ng pangkalahatang pagbabahaginan at muling-paggamit ng kompyuter-program.

WALANG WARANTI

11) SA DAHILANG ANG PROGRAM AY NILILISENSIYAHAN NANG LIBRE, WALANG WARANTI ANG PROGRAM, ALINSUNOD SA PINAHIHINTULUTAN NG MGA MAY KAUGNAYANG BATAS. MALIBAN NA LAMANG KUNG IPINAHAYAG NANG NAKASULAT, IHINAHANDOG NG MGA MAY-HAWAK NG KARAPATANG SIPI AT/O IBA PANG PARTIDONG SANGKOT ANG PROGRAM NA "AS IS" NANG WALANG ANUMANG KLASE NG WARANTI, KE HAYAG O PAHIWATIG, KASAMA NA ANG, SUBALIT HINDI LIMITADO SA, PAHIWATIG NA WARANTI NG KAANGKUPAN NA MAIKALAKAL AT KAANGKUPAN SA ISANG PARTIKULAR NA GAMIT. ANG LAHAT NG PANGANIB NA BUNGA NG KALIDAD AT PAGTAKBO NG PROGRAM AY NAKAATANG SA IYO. KUNG SAKALING MAPATUNAYANG MAY SIRA ANG PROGRAM, SASAGUTIN MO ANG LAHAT NG GASTOS SA PAGSASAAYOS, PAGKUKUMPUNI O PAGWAWASTO.

12) HINDI MANANAGOT KAILANMAN AT/O SA ANUMANG PANGYAYARI ANG SINUMANG MAYHAWAK NG KARAPATANG-SIPI, O SINUMANG IBANG PARTIDO NA MAAARING NAGBAGO AT/O NAMAHAGI NG PROGRAM NA ITO ALINSUNOD SA PAHINTULOT SA ITAAS, SA IYO PARA SA ANUMANG PINSALA, KABILANG ANG ANUMANG PANGKALAHATAN, ISPESYAL, INSIDENTAL O BUNGA NG PINSALA NA NAGMULA SA PAGGAMIT O HINDI PAGTAKBO NG PROGRAM KASAMA ANG, SUBALIT HINDI LIMITADO SA, PAGKAWALA NG MGA DATOS O PAGKAKAMALI SA PAGLIKHA NG MGA DATOS O PAGKALUGI MO O IKATLONG PARTIDO O HINDI PAGANDAR/PAGKASIRA NG PROGRAM HABANG PINATATAKBO KASABAY/KAUGNAY NG IBA PANG PROGRAM. KAHIT NA ANG MAYHAWAK NG KARAPATANG-SIPI O IBA PANG PARTIDO AY NAPASABIHAN NA NG POSIBILIDAD NG GANOONG PINSALA, MALIBAN KUNG ITINAKDA NG MAY KAUGNAYANG BATAS O NAPAGKASUNDUAN SA KASULATAN.

KATAPUSAN NG MGA TADHANA AT KONDISYON

Paano Ipatutupad ang mga Tadhanang ito sa inyong mga Bagong Program

Kung nagdidibelop ka ng bagong program, at nais mong maging labis na kapakipakinabang ito sa madla, ang pinakamabisang paraaan ay gawin itong timawang kompyuter-program na maaring ipamahagi at baguhin ng lahat ayon sa mga tadhanang ito.

Para magawa ito, ikabit ang dalawang sumusunod na paunawa sa inyong program. Pinakaligtas na ikabit ito sa simula ng bawat *source file* upang epektibong maipabatid ang kawalan ng waranti, at bawat *file* ay dapat man lamang na may linya ng "karapatang-sipi" at panturo sa lugar kung saan makikita ang buong paunawa.

<isang linyang nagsasabi ng pangalan ng program at kung ano ang ginagawa nito>

karapatang-sipi © <taon> <pangalan ng may-akda>

Timawang kompyuter-program ang program na ito; maaari mong ipamahagi muli at/o baguhin ito alinsunod sa itinatadhana ng Pangmadlang Lisensiya ng GNU na inilathala ng Free Software foundation; ke bersyon 2 ng lisensiya o (sa iyong pasiya) anumang susunod na bersyon.

Ipinamamahagi ang program na ito sa pag-asang magiging kapakipakinabang, subalit WALANG ANUMANG WARANTI, ni ang pahiwatig ng waranti ng KAANGKUPAN NA MAIKALAKAL O KAANGKUPAN SA ISANG PARTIKULAR NA GAMIT. Tingnan ang Pangmadlang Lisensiya ng GNU para sa detalye.

Nakatanggap ka dapat ng kopya ng Pangmadlang Lisensiya ng GNU kasama ng program na ito; kung hindi, sumulat sa Free Software Foundation Inc., 59 Temple Place, Suite 330, Boston MA 02111-1307 USA.

Idagdag din ang impormasyon kung paano ka makokontak sa pamamagitan ng elektroniko o koreyo.

Kung ang program ay interaktib, gawin itong maglalabas ng maikling paunawa tulad ng nasa baba, kapag nagsimula sa modang interaktib.

Gnomovision bersyon 69, Karapatang-sipi (C) taon pangalan ng may-akda. WALANG WARANTI ang Gnomovision; para sa detalye iteklado ang 'ipakita w'. Ito ay timawang kompyuter-program at ginaganyak kayong ipamahagi ito ayon sa ilang kondisyon; iteklado ang 'ipakita k' para sa detalye.

Ang kunwaring atas na 'ipakita w' at 'ipakita k' ay dapat magpakita ng angkop na parte ng Pangmadlang Lisensiya. Siyempre maaaring ibang atas ang gamitin ninyo sa halip na 'ipakita w' at 'ipakita k',; maari rin itong maging klik ng maws o aytem ng menu--kung alin ang nababagay sa inyong program.

Dapat mo ring palagdain sa isang pagtatwa, kung kinakailangan, ng pag-angkin sakarapatang-sipi ng program ang inyong amo (kung nagtatrabaho ka bilang programer) o ang paaralan ninyo, kung mayroon.

Halimbawa, palitan ang mga pangalan:

Sa bisa ng kasulatang ito ay tinatatwa ng Yoyodne, inc. ang pag-aangkin o paghahabol sa lahat ng interes sa karapatang-sipi sa program na "Gnomovision" (na dumadaaan sa kompayler) na isinulat ni Jaime Haker.

ika-1 Abril 1989
Ty Coon, Presidente ng Vice

Hindi pinahihintulutan ng Pangmadlang Lisensiyang ito ang paglalahok ng Program ninyo sa program na pribadong pag-aari. Kung ang program mo ay *subroutine library* maaring maging mas kapakipakinabang na pahintulutan mong maglink ang mga pribadong-pag-aaring aplikasyon sa aklatan. Kung ito ang gusto mong gawin, gamitin mo ang Pangmadlang Lisensiya ng Aklatang GNU (4) sa halip na Lisensiyang ito.


Talababa

(1) Ang kalituhan sa kahulugan ng *free* ay sa wikang ingles lamang at hindi sa Tagalog. Magkaiba ang libre at malaya sa Tagalog. Ngunit may tatlong maaaring pagpiliian ng pagtatagalog ng salitang *free*. Ito ay malaya, timawa at mahadlika. Ang salitang malaya ang pinakapalasak subalit nakatali ito sa larangan ng pulitika, alalaong baga'y kalayaan ng tao. Ang salitang timawa ang taal na salitang malaya, tumutukoy ito sa uri ng taong malaya noong panahon ng baranggay kasama pa ang mga pinalayang alipin noong panahon ng kastila. Subalit may masamang konotasyon sa panahon ngayon ang salitang timawa, nangangahulugan na ito ng dayukdok. Ang mahadlika ay sinasabing salita lamang sa mga Tagalog at Tausug, may konotasyon naman itong aristokrata bunga ng pagkakamali sa pagsasalin sa Kastila. Pinili ng nagsatagalog na ito ang salitang timawa.

(2) Ang ibig kayang sabihin nito ay hindi sakop ang naging produkto dahil lamang sa pagtakbo ng Program? hindi ako nasisiyahan sa pagkatagalog ng pangungusap na ito.

(3) a.b. susunod na bersiyon ng lisensiya.

(4) hinalihinan na ng Mas Maluwag na Pangmadlang Lisensiya ng GNU (Lesser GNU Public License)

Dokumentasyon ng Moodle

Version: $Id$